Sep 28, 2010

D is for DOG..mga kwentong aso sa buhay namin

Ilang aso na ba ang dumating sa bahay at buhay namin. Di ko na mabilang, di ko na rin matandaan ang mga pangalan nila.
Ang unang asong naalala ko pangalan nya "Rep-Rep" dahil ang nanay nito dati ay nawala ng ilang araw at di mahanap. Pero di nagtagal bumalik din at nalamang buntis ito kaya reprep ang pangalan ng anak nya dahil parang nirape daw ito ng mga askal.Ang nanay nito ay maputi at malahibo tulad ng sikat na asong si Lassie pero si reprep kulay brown na parang ordinaryong asong pinoy.

Nung bata pa ako gusto ko ring magka-pet pero ayaw ng nanay ko. Ayaw nya kasi ng ingay ng mga kahol  ng aso at kung makakagat ito ng ibang tao problema pa namin ang pagpapagamot. Pero ang kapatid kong lalaki na si ronron at si tatay gusto nila para may bantay daw ang bahay kaya minsan kahit ayaw ni nanay nag-aalaga sila ng aso kapag may nagbibigay basta si ronron ang may responsibilidad sa pag-aalaga dito.
Kaya kamakailan lang may nagbigay ng aso sa amin at pinangalanan ito ni ronron ng "Boy George" dahil yung time na yun sikat ang palabas na May Bukas Pa kung saan isa sa mga cast si Boy George. Ayaw na ayaw ni nanay kay boy george dahil kinakagat nito lahat ng mga tsinelas namin kaya nasira lahat. Nagalit si nanay  kaya sa bawat nakaharang ito sa daan di nya maiwasang magalit at itaboy. Sa totoo lang, takot ako sa aso lalo na kapag magsimula itong amoy amuyin ako at kumahol. Pakiramdam ko kasi kahit anong oras kakagatin ako. May nabasa kasi akong libro na The Little Prince kung saan tinuturuan ni little prince ang fox na maging malapit sila sa isa't isa kaya sa bawat may oras ako hinihimas ko si boy george.Sa tuwing umuuwi ako sa bahay lumulukso ito sa tuwa pero di pa rin nawawala ang takot ko kaya minsan di ko sya pinapansin hanggang sa isang araw nagulat na lang akong patay na si boy george. Di ko alam kung ano ang dahilan.

Ngayon may bago nanaman kaming aso. Nagulat pa nga ako kasi si nanay mismo ang humingi sa kapitbahay namin. Totoo nga ang kasabihan na "people change". Dahil na rin siguro sa may bata kaming inaalagaan at hilig nito ang manood ng mga hayop kaya nagkupkop si nanay ng aso. Aba't sya pa mismo ang nagpapaligo dito gamit ang switzal na shampoo...sosyal na asong to! Marami kaming naisip na pangalan merong 'barikuson' sabi ni tatay mula sa character sa radyo, dolly kay nanay mula sa palabas na agua bendita pero di naglaon naging "aw-aw" na lang, kasi ito lang ang kayang isambit ni Tinoy ang batang inaalagaan namin. Gusto ko ulit mapalapit sa aso para na rin siguro matanggal ang takot ko sa mga ito lalo na nagsimula ito sa tuta.

No comments:

Post a Comment